Ang pagbasa ay isa sa mga kasanayang pangwika na tulay ng mga estudyante upang mapahusay at malinang ang kasanayan sa mabisang pag-unawa sa teksto. Ito ay may malaking kaugnayan sa iba pang makrong kasanayang pakikinig, pagsasalita, pagsulat, at panonood ng isang tao dahil nagkakaroon ng kakayahang makabuo ng mga kaisipan at makapagpahayag ng damdamin at maayos na makipagkomunikasyon sa lahat ng disiplina o larangan. Ang mga kaisipang nakukuha at nabubuo sa pamamagitan ng pagbasa, pakikinig, pagsasalita at panonood ay maaaring sulatin upang maibahagi sa iba. Batay sa maraming pananaliksik, ang pagbasa ay isang kompleks na gawaing pangwika at pangkaisipan na kinapapalooban ng higit pa sa interaksyon ng mambabasa at ng teksto. Ipinaliwanag ni Johnston(1990) na ito’y isang kompleks o masalimuot na gawaing nangangailangan ng konsyus at di-konsyus na paggamit ng mga estratehiya o kasanayan gaya ng paglutas ng suliranin upang makabuo ng kahulugang ninanais ipahatid ng awtor. Bilang isang kompleks na prosesong pangkaisipan, ang mambabasa ay aktibong nagpaplano, nagdedesisyon at nag-uugnay ng mga kasanayan at estratehiyang nakatutulong sa pag-unawa. Ang isang estudyanteng palabasa ay mas may malaking posibilidad na maipasa niya ang mga pagsusulit na ibibigay ng guro kumpara sa isang hindi palabasa sapagkat sa kanyang pagbabasa mas nadaragdagan ang kanyang kaalaman, lumalawak ang talasalitaan at mga karanasan.
Comments are closed.